Thursday, August 14, 2008

Tara, Blog Tayo! (but what the hell is blog anyway?)

Dati-rati, sa isang personal na journal lang tinitipon ng isang manunulat ang kanyang mga akda. Para maibahagi sa mga mambabasa, kailangan muna iyon sa pahayagan, magasin o maisaaklat. Pero ngayon, mas madaling naabot ng mga manunulat ang mga mambabasa. Binasag ng internet ang pader na dati ay naghihiwalay. Sa dalawang panig sa pamamagitan ng sumisikat na “blog”.

Kung gusto ng manunulat na mailathalka nang mabilis at maibahagi sa mga mambabasa sa buong mundo ang kanyang obra, pwedeng-pwede na niya itong i-blog.

Teka, ano ba ang blog?
Sa pananaw ng isang web author, ang blog ay isang porma ng website na gumagamit ng isang CMS (content management system) na sinasabing database program. Kaya nga kumpara sa paggawa ng isang “ordinaryong” website, hindi na kailangan ang kaalaman sa HTML (hypertext mark-up language) o web programming kung gusto ng isang taong gumawa ng blog.

Bahagi ng blog ang tinatawag na “new media”. Kung sa journal ay limitado sa mga salita ang komunikasyon, sa blog, pwedeng gumamit ng tinatawag na streaming audio at video.

Tamang-tama sa pangangailangan ng mga modernong manunulat ang blog. Madali para sa isang blogger na tipunin o i-post ang kanyang mga artikulo ayon sa nais na kategorya at tag.

Sa blog, agad na makikita ang pinakabagong artikulo. Kaya’t madali ring malaman ng isang mambabasa kung may bago nang post sa binibisita niyang blog.

S pamamagitan ng blog ay maipahahatid niya ang angking layon na gulantangin ang mambabasa sa pamamagitan ng makukulay na imahe o litrato. Maari rin itong network ng mga ugnayan- ang blogista ang tagapag-ugnay. Nakatutulong ang blog kahit sa pagpapakilala ng iba pang website.

Imbakan din ng personal na tala ang blog. Wala ring pakundangan ang blog na maghayag sa ibang tao para bang ang taong iyon ay kaibigan o kakilala kahit ni wala siyang kaugnayan sa blogista.

Nabibigyang din ng pagkakataon ang mga mambabasa na pumuna o magbigay ng pananaw sa nababasang blog. Nagkakaroon ng biglaang ugnayan ang manunulat at mambabasa sa oras na tumugon ang mambabasa at mag-iwan ng puna sa naka-post na artikulo.

Ang blog ang malayang lugar ng mga seryosong usapan, na ang layunin ay maabot ang maraming tao na kapos sa impormasyon hinggil sa particular na larangan, gaya ng panitikan, agham at iba pang aspeto ng lipunan.

Hindi rin dapat minamaliit ang blog, dahil kung minsan, ang laman at anyo nito ay higit pa sa mga sanaysay na nalalathala sa magasin, diyaryo at iba pang babasahin, dagdag ng premyadong manunulat.

Ngayon, maaari nang ilathala sa blog ang mga tula, kwento, sanaysay o nobela. Iyon nga lang, may panganib na makopya ang mga akda nang walang pahintulot.

Siguro, kung buhay pa sina Andres Bonifacio, Dr. Jose Rizal at iba pang lider ng himagsikan at mga propagandista, baka ginamit na rin nila ang blog para ipaabot sa mga Pilipino ang kanilang damdamin para makamit ang kalayaan.

Malaking tulong ang blog sa pagpapalaganap ng mga akda at lathalaing nagtataguyod ng wikang Filipino at isinulat ng mga Pilipino.

No comments: